MANILA, Philippines — Inisyuhan ng Court of Appeals (CA) ng freeze order ang mga bank accounts at mga ari-arian na pagmamay-ari ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) at ng kanilang leader na si Pastor Apollo Quiboloy.
Batay sa 48-pahinang resolusyon ng CA, na iniakda ni Associate Justice Gabriel Robeniol, nabatid na inaprubahan nito ang petition for freeze order na inihain ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) laban sa mga ari-arian ni Quiboloy at ng KOJC.
Kasama rin sa kautusan ang bank accounts nina Maria Teresita Dandan, Helen Pagaduan Panilag, Paulene Chavez Canada, Cresente Chavez Canada, Ingrid Chavez Canada, Sylvia Calija Cemañes, Jackielyn Wong Roy, Alona Mertalla Santander, at Marlon Bongas Acoo, gayundin ng Children’s Joy Foundation, Inc. at Swara Sug Media Corporation, na siyang nag-o-operate ng Sonshine Media Network International (SMNI), na siyang media arm ng KOJC.
Sakop ng freeze order ang 10 bank accounts, pitong real properties, limang motor vehicles at isang aircraft na pagma-may-ari ng KOJC, gayundin ang 47 iba pang bank accounts, 16 real properties at 16 motor vehicles ng KOJC.
Sa pag-apruba sa freeze order request ng AMLC, sinabi ng CA na nakakita sila ng rasonableng basehan upang paniwalaan na ang mga bank accounts ni Quiboloy ay may kaugnayan sa mga unlawful activities at predicate crimes, gaya ng human trafficking, sexual at child abuse, sex trafficking of children, fraud, conspiracy, marriage fraud, smuggling, money laundering at iba pa.
Sinabi ng CA na epektibo ang freeze order sa lalong madaling panahon at magtatagal sa loob ng 20-araw.
Matatandaang si Quiboloy ay kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad dahil sa mga kinakaharap na kasong paglabag sa Republic Act 7610 o the Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act at Republic Act 9208 o Qualified Human Trafficking.