Pinas nangunguna sa ASEAN sa paglago ng ekonomiya
MANILA, Philippines — Inihayag ni Finance Secretary Ralph G. Recto na ang ekonomiya ng Pilipinas ay muling kabilang sa mga nangunguna sa rehiyon ng ASEAN, na nagbigay ng malakas na taun-taong paglago na 6.3% sa ikalawang quarter ng 2024 bunsod ng matatag na konstruksyon at mas mataas pamumuhunan habang ang programang Build Better More ay nakakakuha ng momentum at lumalakas ang kumpiyansa ng mamumuhunan.
“Kami ay masaya sa back-to-back na magandang balita sa trabaho at paglago ng GDP. Ang aming kahanga-hangang pagganap sa paglago ay malinaw na nagpapakita na ang imprastraktura ay ang aming paraan pasulong. Kailangan nating magtayo ng higit pa, mas mahusay, at mas mabilis upang ang mga Pilipino ay maani ang mga benepisyo ng mga proyektong ito na may mataas na epekto sa lalong madaling panahon. Hindi lamang sila magbubunga ng mas maraming trabaho kundi mapabuti ang pangkalahatang kalidad ng buhay ng ating mga tao. Ito ang isa sa pinakamahalagang pamana ng administrasyon ni Pangulong Marcos, Jr. para sa mga Pilipino sa ilalim ng Bagong Pilipinas,” pahayag ni Recto.
Tinalo ng Pilipinas ang second quarter growth ng Malaysia (5.8%), Indonesia (5.0%), at China (4.7%). Ang ibang mga bansa sa rehiyon ay inaasahang maglalabas ng kanilang ikalawang quarter growth ngayong buwan.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, ang paglago ng 6.3 porsiyento sa Gross Domestic Product (GDP) mula Abril hanggang Hunyo ay mas mataas kumpara sa 5.8 % noong unang quarter ng 2024.
Pasok ito sa target ng gobyerno na paglago ng ekonomiya mula 6.0 % hanggang 7.0 % sa 2024.
Lumilitaw naman na ang service sector ang may pinakamataas na kontribusyon sa GDP na nasa 4.1% na sinusundan ng sektor ng industriya, 2.3%.
“Inaasahan namin na ito ay higit na mapabuti para sa natitirang bahagi ng taon dahil ginagawa ng gobyerno ang lahat ng makakaya nito upang mapanatiling mababa at matatag ang inflation,” sabi ng Finance Secretary.
Ang paglago ng GDP ay dulot naman ng pagtaas ng investment sa bansa sa 11.5% dahil sa mga aktibidad na may kinalaman sa konstruksiyon.
Gayunman, ang sektor ng agrikultura sa magkasunod na taon ay bumulusok sa 2.3 % ang GDP dulot ng El Niño phenomenon.
“Ngunit makatitiyak, ibinibigay namin ang kinakailangang suporta para sa aming mga magsasaka, mangingisda, at iba pang manggagawa sa agrikultura upang mapabuti ang kanilang produktibidad,” dagdag pa ni Recto.
- Latest