MANILA, Philippines — Nagsimula nang magbenta ang gobyerno nitong Huwebes ng P29 kada kilo ng bigas sa mga Kadiwa stores sa ilang tanggapan ng National Irrigation Administration (NIA).
“Ngayong araw ang simula ng Kadiwa center sa NIA, makabibili ng P29/kilo na bigas ang senior citizen, miyembro ng 4Ps,” pahayag ni NIA Administrator Eduardo Guillen.
Samantalang nakatakda namang ilunsad sa susunod na linggo ang programa sa P29 kilo ng bigas sa mga Kadiwa Centers para mas marami pang mga konsumer mula sa nabanggit na sektor ang makabili.
Ayon kay Guillen at Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., limitado lamang sa 10 kilo ng bigas kada konsumer ang pahihintulutan upang mas marami pa ang mapagsilbihan ng nasabing P29 kilo ng bigas program.
Bagong ani ang bigas na ibebenta na masarap at magandang klase.
Aminado naman ang opisyal na ang mataas na presyo ng bigas ay isang matinding hamon sa gobyerno lalo na sa mga surveys ay lumilitaw na mataas pa rin ang inflation sa bansa.
Una nang sinabi ni Laurel na ang pagbebenta ng bigas sa halagang P29 kada kilo ay isang long term program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.