MANILA, Philippines — Hindi magdadalawang-isip ang Philippine National Police (PNP) na gamitin ang kanilang air assets sakaling tumakas si Kingdom of Jesus Christ leader Apollo Quiboloy gamit ang kanyang mga aircrafts mula sa KOJC compound sa Davao City.
“Armed naman ang ating helicopters. Worse comes to worst, they can try the might of the government if they want to do that,” ani Davao police director Brig. Gen. Nicolas Torre III kasunod ng paniniwala na nagtatago lamang si Quiboloy sa 30 hectare compound ng KOJC.
Nagmamay-ari ng apat na helicopter at dalawang eroplano si Quiboloy kung saan may hangar at private taxiway patungong Davao International Airpor. Mayroon ding 77,000-seater dome si Quiboloy.
Sinabi ni Torre, na batay sa impormasyon na kanilang natanggap, hindi umalis ng compound si Quiboloy simula nang maglabas ng warrant of arrest ang Davao City Regional Trial Court laban dito sa kasong child and sexual abuse at qualified human trafficking na inisyu ng Pasig City Regional Trial Court. Ang mga nasabing kaso ay pawang non-bailable.
Bukod kay Quiboloy nasa loob din umano mg compound sina Cresente Canada, Ingrid Canada, Jackielyn Roy at Sylvia Cemanes.
“That’s what the indicators and the informants are telling us na nandun lang sa loob kaya nga binabantayan siya ng kanyang mga tagasunod,” dagdag pa ni Torre.
Ilang linggo rin ang nakaraan nang mapansin ang isang helicopter na lumapag at sinabing winarm up lang ang helicopter.
Humiling din si Torre ng dagdag na puwersa para sa seguridad ng compound.
“Ipakita na lang ni Mr. Quiboloy na talagang siya ay leader ng kanyang mga tao and the take the cudgels of his people,” ani Torre.