Ex-agent sa ‘PDEA leaks’ convicted sa perjury
MANILA, Philippines — Pinuri ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla ang desisyon ng mababang hukuman na i-convict si dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent Jonathan Morales sa kasong perjury.
Sa isang pahayag, sinabi ni Remulla na, “May this serve as a reminder to everyone that the court of law was founded by truth and justice where lies and falsehood have no place as it erodes the credibility of our government in dealing with its affairs.”
Batay sa ulat na nakarating sa tanggapan ng DOJ, napatunayan ng City of San Fernando Municipal Trial Court in Cities (MTCC) Branch 4 na si Morales ay guilty sa kasong perjury bunsod nang pagbibigay ng maling testimonya laban sa dalawang indibidwal hinggil sa isang drug-related case.
Sa desisyon ng hukuman na may petsang Agosto 7, pinatawan si Morales na mabilanggo ng apat na buwan at magbayad ng P1,000 multa.
Nag-ugat ang kaso nang sabihin ni Morales, under oath, na sina Albert Co Chua at Aaron Tan ay sangkot sa pagbebenta, pagdedeliber, pagbibiyahe at distribusyon ng illegal na droga, ngunit malaunan ay napawalang sala ang dalawa sa kinakaharap na kaso.
Ikinatwiran pa umano ni Morales na napilitan siyang tumestigo laban sa dalawa dahil sa takot na matanggal sa serbisyo o malipat sa delikadong lugar ngunit bigo siyang patunayan ito.
Sa desisyon ng hukuman, sinabi nito na wala silang nakitang ebidensiya na pinuwersa si Morales ni Director Lyndon Aspacio upang gumawa ng affidavit at tumestigo sa hukuman.
Matatandaang si Morales ay ang dating PDEA agent na sangkot rin sa tinaguriang ‘PDEA leaks’ na nagsangkot sa ilang malalaking personalidad sa paggamit ng illegal na droga, kabilang na rito sina Pang. Ferdinand Marcos, Jr. at aktres na si Maricel Soriano, ngunit malaunan ay napatunayang wala itong basehan.
- Latest