67 kaso ng leptospirosis naitala ng DOH
Matapos ang bagyong Carina
MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 67 kaso ng leptospirosis sa bansa mula Hulyo 14 hanggang 27, matapos ang pananalasa ng bagyong Carina at Habagat sa Metro Manila at ilang lugar sa bansa.
Sa isang pahayag, nilinaw naman ng DOH na maaaring madagdagan pa ang naturang bilang dahil sa mga naantalang ulat.
Nagpaalala rin naman ang DOH na ang incubation period ng leptospirosis ay nasa dalawa hanggang 30 araw at karaniwan na rin umanong nakikita ang sintomas nito, mula isa hanggang dalawang linggo, matapos na malantad sa tubig baha na kontaminado ng ihi ng daga.
Kaugnay nito, tiniyak ng DOH na patuloy silang nagbabantay laban sa mga kaso ng leptospirosis.
Sa datos ng DOH, hanggang nitong Hulyo 27 ay naitala sa 1,444 kaso ng leptospirosis.
Mas mababa naman ito ng 42% kumpara sa 2,505 kaso na naitala sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.
Samantala nasa 162 pasyente ang namatay.
Ang leptospirosis ay isang seryosong karamdaman na maaaring makuha sa ihi ng daga o iba pang hayop na humalo sa tubig baha o di kaya ay sa lupa at putik.
Maaari itong magresulta sa kidney o liver failure, meningitis, hirap sa paghinga at pagdurugo o di kaya ay kamatayan, kung hindi maaagapan.
Ayon sa DOH, hindi na kailangan pang lumitaw ang mga sintomas ng sakit at kaagad nang kumonsulta sa doctor o sa health center kung lumusong sa baha.
- Latest