PUVMP tuloy: Senado tinabla ni Pangulong Marcos
MANILA, Philippines — Tuloy ang pagpapatupad ng Public Utility Vehicle modernization program (PUVMP).
Sa isang ambush interview, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wala siyang nakikitang dahilan para ipagpaliban ang nasabing programa dahil pitong beses na itong na-postponed.
“I disagree with them because sinasabi nila minamadali. This has been postponed even times”, ayon pa sa Pangulo.
Idinagdag pa ni Marcos na ang humihiling ng suspensyon ng programa ay minorya lamang habang 80 porsiyento ay nakapag-consolidate na.
Hindi rin aniya maaaring magdesisyon ang 20 porsiyento sa buhay ng 100 porsiyento kaya ang dapat pakinggan ay ang mayorya kaya dapat ituloy na ang PUV modernization program.
Nagsimula ang PUVMP noong 2017 na naglalayong palitan ang traditional jeepneys ng mga sasakyan na may Euro 4 compliant engine para mabawasan ang polusyon at mapalitan ang PUV na hindi na roadworthy na naayon sa standard ng Land Transportation Office (LTO).
Nitong Abril 30 ay natapos na ang aplikasyon para sa consolidation ng individual PUV operators para magbuo ng transportation cooperatives.
Noong nakaraang linggo ay naghain ng resolusyon ang Senado na nanawagan sa Department of Transportation (DOTr) na ipagpaliban ang implementasyon ng PUVMP.
- Latest