MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na umaabot na sa 3,000 ektarya ang naangking teritoryo ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, Rear Adm. Roy Vincent Trinidad, kabilang rito ang Panganiban (Mischief Reef), Johnson (Mabini Reef) at Zamora (Subi Reef) na pinagtayuan na ng military base ng China.
Kumpleto na umano ito sa pasilidad, may airstrip, hangar, naval base at iba pang military structure.
“These are functional military bases. They have already militarized the South China Sea, from the early 1990s when they started putting up fishermen shelters and then it was mentioned by the narrative of the Chinese Communist Party that these are now for marine scientific research,” punto ni Trinidad.
Sinabi ng opisyal na illegal ang pagpapalawak ng teritoryo ng China dahil ibinasura na sa Arbitral Ruling ang lahat ng features na inestablisa ng Chinese Communist Party sa South China Sea at walang maritime na entitlements o titulo habang ibinasura rin ang 9 dash line ng Beijing.
Mula Hulyo 30 hanggang Agosto 5 ay nasa 122 Chinese vessels ang namonitor ng Philippine Navy sa WPS.
Kabilang dito ang monster ship at survey vessel ng China na nagkakalat sa bisinidad ng Sabina Shoal kung saan nadiskubre ang mga itinambak na dinurog na corals.
Kaduda-duda rin anya ang pakay ng oceanographic research vessel na Ke Xue Hao ng China na nagsasagawa ng pa-sigzag na pattern sa Escoda Shoal.
“A zigzag pattern or track indicates something else,” sabi pa ng opisyal kung saan hindi na aniya ito maikokonsiderang inosenteng pagdaan sa paglalayag sa lugar na pinahihintulutan sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.