Alice Guo, pinakakasuhan na ng Comelec
MANILA, Philippines — Pinasasampahan na ng Commission on Elections (Comelec) en banc ng kasong kriminal si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil sa material misrepresentation na paglabag sa Omnibus Election Code.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, nag-ugat ang kaso nang sabihin ni Guo sa siya ay isang Filipino sa kanyang certificate of candidacy (COC) para sa 2022 National and Local Elections (NLE).
Una nang nakumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng Comelec na si Guo at ang Chinese national na si Guo Hua Ping ay iisa lamang, matapos na mag-match o magtugma ang kanilang fingerprints.
“In-adopt po ng en banc, ibig sabihin unanimous ‘yung recommendation ng aming Law Department na mag-file ng formal complaint laban kay Mayor Alice Guo/Guo Hua Ping and therefore pinapasimula po ‘yung pagko-conduct ng preliminary investigation patungkol sa kanya,” ani Garcia.
Dagdag pa niya, “Misrepresentation po, sa ating Section 261 of the Omnibus Election Code. ‘Yan po ay isang kasong kriminal na may kulong na isa hanggang anim na taon na kung sakali pong mapapatunayan na mayroon pong basehan, may kwenta, at ebidensya, may tinatatawag na probable cause. Ang kaso po ay maaaring maisampa sa Regional Trial Court upang magkaroon ng paglilitis.”
- Latest