MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na suportado pa rin ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na isinusulong ng pamahalaan.
Ito’y sa kabila ng resolusyong ipinasa ng Senado na nagrerekomenda ng pansamantalang pagsuspinde sa naturang programa.
Ayon kay LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III, tuluy-tuloy ang implementasyon ng programa hanggang sa tuluyan na itong umabot sa huling bahagi ng modernisasyon.
“Sinusuportahan ng Pangulo ang programa. At tuluy-tuloy ito hanggang sa matapos po ‘yung final stages ng modernisasyon,” pahayag pa niya.
Dagdag pa ni Guadiz, “Makakaasa po ang buong bayan, sa suporta ng Department of Transportation, ang Pangulo ay nasa kanila. Walang mangyayaring suspensyon. Tuluy-tuloy po ang programa.”
Matatandaang nasa 22 mula sa 23 senador ang lumagda sa Senate Resolution No. 1096 na humihikayat sa pamahalaan na pansamantalang suspindihin ang implementasyon ng PUVMP, na mas kilala na ngayon sa tawag na Public Transport Modernization Program (PTMP).
Kahapon naman ay isang unity walk ang idinaos ng ilang transport cooperatives na tumalima sa PUVMP na ang layunin ang tutulan ang naturang resolusyon ng Senado.