MANILA, Philippines — Napansin ni Senator Grace Poe ang pagkawala ng mga nagpapadala ng text scam simula nang ipagbawal ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ayon kay Poe, kapansin-pansin ang wala nang masyadong magte-text na nanalo ng jackpot o kaya ay may package ang isang cellphone user.
“Kung mapapansin ninyo, wala nang masyadong nagte—text scam sa inyo ngayon ng mga nanalo kayo ng ganitong jackpot o kaya ‘yung package ninyo, kailangan i-redeem ninyo, ganito-ganyan,” ani Poe sa kaniyang manifestation sa plenaryo ng Senado.
Nangangahulugan aniya na malaki ang kinalaman ng operasyon ng POGO sa kumalat na mga text scam.
“So nangangahulugan lamang na malaki ang kinalaman nitong mga nag-o-operate ng mga illegal na POGOs sa ating bansa. So, Mr. President, nagkandahirap tayo ipasa ang text scam law na finally napasa na pero nagugulat tayo dahil tuluy-tuloy pa rin ang mga pagti-text ng mga scam sa atin. ‘Yun pala, siguro merong correlation between those scammers and those that were raided just recently,” ani Poe.
Naniniwala si Poe na malaki ang “impact” nang naging kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagkawala ng mga text scams.
Iginiit ni Poe na dapat magkaroon ng batas para sa pag-ban ng POGO upang hindi na talaga ito makabalik.