Senate Medal of Excellence ibibigay kay Yulo
MANILA, Philippines — Isinulong ng ilang senador ang pagbibigay ng Senado ng “medal of excellence” sa Filipino gymnast Carlos Yulo na nakasungkit ng dalawang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics.
Kabilang sa mga naghain ng resolusyon para kilalanin ang pambihirang nagawa ni Yulo sina dating Senate President Juan Miguel Zubiri, Senate Majority Leader Francis Tolentino at Sen. Joel Villanueva.
Ayon kay Zubiri, dapat lamang igawad sa double-gold Olympian na si Yulo ang Senate Medal of Excellence para sa kanyang outstanding performance na nagdala ng malaking karangalan sa bansa.
Ang Senate Medal of Excellence na “isang pagpapahayag ng pampublikong pasasalamat sa ngalan ng bansa” ay iginagawad sa “karapat-dapat na mga Pilipino para sa pagtatakda ng pinakamataas na pamantayan ng kahusayan, nasyonalismo, at kabutihan na maaaring hangarin ng kanilang mga kababayan,” ayon sa Senate Resolution 110.
Sinabi ni Zubiri na sa makasaysayang mga tagumpay sa Olympics ni Yulo, siya ay naging “isa sa pinakadakilang atletang Pilipino sa lahat ng panahon.”
Nitong weekend, gumawa ng kasaysayan si Yulo sa pagiging kauna-unahang Pinoy na nanalo ng dalawang gintong medalya sa Olympics matapos niyang dominahin ang men’s floor exercise at vault finals.
- Latest