MANILA, Philippines — Ikinatuwa ni Senator Christopher “Bong” Go ang Executive Order No. 64 na inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nag-uutos ng umento sa sahod at karagdagang allowance para sa mga manggagawa sa gobyerno.
“Ipinaglaban po natin ito kaya masaya tayo at narinig ang ating suhestiyon. Ito ay isang malaking hakbang patungo sa pagkilala at pagpapahalaga sa mga kawani ng ating gobyerno,” ayon kay Sen. Go.
“Ang pagtataas ng sahod na ito ay hindi lamang isang pagsasaalang-alang sa mga hamon ng inflation kundi isang pamamaraan para mapanatili nating masigla, may integridad, at mahusay ang ating workforce,” dagdag niya.
Ang adjustment sa salary schedule ay angkop sa lahat ng civilian government personnel na layong tugunan ang pagguho ng purchasing power ng maraming empleyado dahil sa patuloy na mga hamon sa ekonomiya.
Naging tagapagtaguyod si Go ng kapakanan ng mga empleyado ng pampublikong sektor kaya dati na niyang inihain ang Senate Bill No. 2504, kilala bilang “Salary Standardization Law VI.”
Ang panukalang batas na ito ay batay sa mga probisyon ng naunang pinagtibay na Republic Act No. 11466 o ang Salary Standardization Law (SSL) 5 kung saan nagsilbi si Go na isa sa may-akda at co-sponsor nito sa Senado noong 2019 at ipinatupad mula 2020-2023.
Kahit walang pagpapasa ng panukalang batas, sinabi ni Go na welcome sa kanya ang inisyatibo ng ehekutibo upang pondohan at ipatupad ang bagong tranche ng dagdag sahod para sa mga empleyado ng gobyerno.