MANILA, Philippines — Aprubado na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang executive order na magbibigay ng umento sa sahod at dagdag sa mga benepisyo ng manggagawa sa gobyerno.
Ito ay matapos lagdaan kahapon ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang Executive Order No. 64.
Nasa ilalim ng nilagdaang EO 64 ni Bersamin ang updated na pasahod sa mga government workers na nakatalaga sa executive, legislative, at judicial branches; constitutional commissions at iba pang constitutional offices.
Base pa sa kautusan ang mga nagtatrabaho sa Government-Owned or-Controlled Corporations (GOCCs) na hindi saklaw ng Republic Act 10149 o ang “GOCC Governance Act of 2011.”ay sakop ng EO.
Kasama rin sa dagdag umento ang mga nasa lokal na pamahalaan. Magiging epektibo ang kautusan 15 matapos mailathala sa Official Gazette o sa pahayagan.
Sinabi ni Marcos na dahil sa kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya, kabilang ang pagbawas ng kakayahang bumili dulot ng inflation, ay kailangan na i-update ang mga sahod at benepisyo ng mga tauhan ng gobyerno para mapanatili ang competent, tapat, mabilis at malusog na pwersa ng trabaho na magreresulta sa mataas na productivity at magandang serbisyo sa publiko
Ipatutupad ang umento sa sahod sa apat na tranches.
Unang matatanggap ng mga manggagawa ang umento sa sahod Enero 1, 2024; ikalawang tranche sa Enero 1, 2025; ikatlo sa Enero 1, 2026; at ang ikaapat na tranche sa Enero 1, 2027.
Inatasan naman ang Department of Budget and Management (DBM) na mag-isyi ng kaukulang guidelines para maipatupad ang nakasaad sa EO 64.