MANILA, Philippines — Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa umano’y posibleng mga kasabwat ng Chinese national na si Yu Hang Liu na umano’y espiya na naaresto sa Makati City noong Mayo.
Ito ang inihayag ng PNP makaraang ilabas ng Anti-Cybercrime Group (ACG) ang digital forensic examination sa mga nakuhang kagamitan mula sa dayuhan kung saan ilan sa mga ito ay maituturing na “military grade”.
Sinabi ni PNP-Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, maituturing na security concern ang mga datos, files, photos at videos na nakuha mula sa mga sinuring kagamitan gaya ng smart phones, laptop, computer at iba pa.
Ani Fajardo, napatunayan sa isinagawang pag-aaral na sangkot nga si Yu sa malawakang scam o panloloko gamit ang digital devices.
Kaya upang masuportahan ito, sinabi ni Fajardo na muling hihirit ng cyberwarrant at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para busisiin pa ang mga nakuhang ebidensya na siyang gagamitin sa pagsasampa ng kaso sa korte.
Samantala, sinabi ni Fajardo na hindi muna isasailalim sa deportation ng Bureau of Immigration si Yu habang nagpapatuloy ang imbestigasyon laban sa kaniya.