MANILA, Philippines — Nanawagan ang Davao Consumer Movement (DCM), isang non-profit na organisasyon na nagsusulong sa kapakanan ng mga Davaoeños sa Mindanao Development Authority (MinDA) para sa mas proactive na paninindigan na naglalayong resolbahin ang krisis sa kuryente sa Davao del Norte.
Ayon kay Ryan Amper, convenor ng DCM, bahagi ng mandato ng MinDA na tulungan ang gobyerno na maghanap ng paraan para mapagbuti pa ang pamumuhay ng mga mamamayan ng Davao partikular na sa sitwasyon ng power supply sa lalawigan.
Aminado naman ang DCM na dismayado sila sa pananahimik ng MInDA sa krisis sa enerhiya sa Davao del Norte dahilan sa umano’y patuloy nitong nasisirang pangako sa Northern Davao Electric Cooperative Inc. (NORDECO).
“The MinDA, headed by its chairperson Secretary Leo Tereso Magno, should take a firmer stance on the current power situation of Davao del Norte and the Island Garden City of Samal,” ayon sa DCM.
Binigyang diin ng DCM na bilang ahensiya na responsible sa pagpapaunlad ng Mindanao ay dapat panagutin ng MinDA ang NORDECO dahil sa kabiguan nitong makipag-ugnayan sa pamahalaang nasyonal para ipatupad ang polisya kung paano mareresolba ang power crisis sa Davao del Norte.