Bakuna vs ASF ikinagalak ng agri sector
MANILA, Philippines — Nagpahayag ng kagalakan ang mga sektor ng agrikultura nang ianunsiyo ng Food and Drug Administration (FDA) na naglabas na sila ng Certificate of Registration para sa bakuna sa African Swine Fever (ASF).
Ayon kay Rep. Nicanor ‘Nikki’ Briones, na bilang chairman ng Pork Producers Federations of the Philippines,Inc., at presidente ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Partylist, na natutuwa ang kanilang sektor sa magandang balitang ito ng FDA na mayroon nang gagamiting bakuna laban sa ASF at pasado na ito sa pagsusuri.
Ayon pa kay Briones, bagama’t hindi nagdudulot ng banta sa kalusugan ng tao ang ASF, malaki naman ang pinsala at epekto nito sa mga baboy, na may isang impeksiyon na kayang lipulin ang isang buong kawan.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na magsisimula na sila sa pagpapakalat sa nasabing bakuna sa mga apektadong lugar.
Una nang inihayag ni Laurel, 150,000 bakuna ang agad nilang dadalhin sa mga Red Areas ng ASF partikular sa Batangas at Mindoro na sisimulan sa susunod na buwan.
Giit naman ni Briones, wala pa silang nakikitang magiging epekto nito sa presyuhan ng baboy dahil libre pa itong ipagkakaloob subali’t kung sa mga darating na araw ipapa-shoulder sa ating mga hog raiser, backyard o commercial raisers ang kada dose ng bakuna sa mga alagang baboy posibleng tumaas ang presyo ng mga bilihing baboy sa merkado.
- Latest