MANILA, Philippines — Nasa 98% ng mga paaralan sa bansa ang matagumpay na nakapagbukas ng klase para sa School Year 2024-2025 kahapon, Lunes, Hulyo 29, habang aabot naman sa mahigit 20.5 milyon ang bilang ng mga mag-aaral na nakapagtala para sa kasalukuyang taong panuruan.
Sa kanyang pagbisita sa Carmona National High School upang personal na makita ang sitwasyon ng pagbubukas ng eskwela, sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na nasa 2% naman ng mga paaralan ang bigong magbalik-eskwela bunsod na rin ng pinsalang idinulot ng bagyong Carina at Habagat sa kanilang lugar.
“Maliit lang kasi… wala pang ano siguro eh, wala pang 2% of the whole country. So ibig sabihin, 98% of schools, nagbukas,” ayon kay Angara.
Sa datos ng DepEd, hanggang Hulyo 28, nasa 842 paaralan sa bansa ang nagpasyang ipagpaliban ang class opening nila na nakaapekto sa 803,824 mag-aaral.
Karamihan ay nasa Region 3 (452); National Capital Region (225); Region 1 (95); Region 4A (66) at Region 12, apat.
Nilinaw naman ni Angara na ang mga nagsuspinde ng klase ay kinakailangang magdaos ng Saturday classes upang mabawi ang mga araw ng pasok na nawala sa kanila.