MANILA, Philippines — Pormal nang naghain kahapon ang Office of the Solicitor General (OSG) ng quo warranto petition laban sa suspendidong si Alice Guo upang mapatalsik ito sa puwesto bilang alkalde ng Bamban, Tarlac.
Sa 45-pahinang petisyon sa Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 34, tinukoy ng OSG bilang respondent si Guo Hua Ping alyas Alice Leal Guo.
Sa naturang petisyon, hiniling ng OSG, na pinamumunuan ni Solicitor General Menardo Guevarra, na maideklarang ‘null and void’ ang proklamasyon kay Guo bilang alkalde ng Bamban mayor.
“She is not a Filipino citizen. She is a Chinese national. Thus, she is ineligible to run for any elective public office,” saad pa ng OSG. “As abundantly shown by various government records, respondent Guo Hua Ping a.k.a Alice Leal Guo is the daughter of two Chinese citizens, Lin Wenyi and Guo Jian Zhong.”
Binigyang-diin din ng OSG na si Guo ay nakagawa ng aksiyon na maaaring gamiting ground o basehan upang patalsikin siya bilang alkalde ng Bamban.
Una nang naungkat ang katauhan ni Guo matapos na makaladkad ang kanyang pangalan sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa kanyang nasasakupan.
Kinumpirma naman ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang fingerprints ni Guo at ng Chinese passport holder na si Guo Hua Ping ay iisa lamang. Dati nang pinabulaanan ni Guo ang mga naturang alegasyon.
Ang quo warranto, na nangangahulugang ‘by what authority,’ ay isang special civil action upang tukuyin kung ang isang indibidwal ay may karapatang humawak ng posisyon sa pamahalaan.