MANILA, Philippines — Sinuportahan ni three-time Congressman at kasalukuyang Quezon City Councilor Alfred Vargas ang aksyon ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na pagpataw ng one-month amortization moratorium sa mga nasalanta ng bagyong Carina.
“Ang bahay ang pundasyon ng buhay ng bawat pamilyang Pilipino. Ang seguridad sa tahanan ay napakahalaga, lalo na para agarang makabangon mula sa mga sakuna at trahedya,“ ani Vargas.
“Malaking ginhawa sa ating mga kababayan ang mga agarang aksyon na ginawa ng DHSUD sa ilalim ng masipag nating Secretary Jose Rizalino Acuzar. Ang mga ito’y pagpapabatid ng malasakit ng pamahalaan, na dinig nila ang pangangailangan ng mga biktima,” dagdag ni Vargas.
Kamaikailan ay inutos ni Secretary Acuzar sa key shelter agencies ng DHSUD tulad ng Pag-IBIG, National Housing Authority (NHA), at Social Housing Finance Corporation (SHFC) ang isang buwang moratorium sa pagbayad ng amortization sa kanilang mga nasasakupan. Saklaw nito ang mga naapektuhan ng malawakang pag-ulan at pagbaha nitong linggo.
Ayon kay Vargas, dapat ding tularan ang mabilis na pagsaayos ng DSHUD ng regional response team bago pa man manalanta ang bagyo.