MANILA, Philippines — Ginawaran ng Asia’s Most Versatile and Promising Columnist at TV Host on Agriculture of the Year si Mer Layson na lalong kilala sa tawag na Magsasakang Reporter.
Ang parangal ay ibinigay kay Layson sa isinagawang 9th Asia Pacific Luminare Awards sa Ballroom Heritage Hotel, Pasay City nitong Linggo.
Kinilala ng Asia Pacific Luminare ang malaking ambag ni Layson sa larangan ng Agrikultura na nagpapalaganap ng Urban Gardening at Organic Farming sa bansa.
Si Layson, reporter at kolumnista ng Pilipino Star NGAYON (PSN) at dating presidente ng Manila Police District Press Corps. (MPDPC), ay host din ng Masaganang Buhay na napapanood sa OnePH Cignal TV at RPTV ng TV-5 tuwing araw ng Linggo.
Isa rin Vlogger si Layson na may mahigit kalahating milyong subscribers sa Youtube at milyun-milyong views ang kanyang content na pagtuturo ng pagtatanim ng mga green leafy vegetables, fruit bearing trees at iba pang halaman.
Maging sa Facebook at Tiktok ay ibinabahagi ni Layson ang kanyang adbokasiya sa Urban Gardening in a plastic bottle.
Si Layson ay isang magsasaka na tubong Mexico, Pampanga na ang pagtatanim at pagsasaka sa probinsiya ay kanyang dinala sa Metro Manila.