MANILA, Philippines — Iginiit ng isang Agricultural Economist na mas palakasin ang kampanya laban sa mga puslit na tabako at sigarilyo na patuloy na nakakaapekto sa ekonomiya ng bansa at kabuhayan ng mga magsasaka.
Ayon kay Agricultural Economist at University of the Philippines Los Baños’ Assistant Professor Dr. Julieta A. Delos Reyes, kailangan ng mga pagkilos para tugunan ang naging panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang kampanya kontra smuggling ng tabako.
Sa pulong ng Private Sector Advisory Council-Agriculture Sector Group (PSAC-ASG), inatasan ng Pangulo ang Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue at Department of Trade and Industry na palakasin ang mga pagkilos para masawata ang smuggling ng tabako at vape products upang maprotektahan ang industriya ng tabako at mga nagtatanim nito.
Sa pag-aaral ng grupo ni Dr. Delos Reyes noong 2023 na may titulong “Smuggling of Cigarettes and Other Tobacco Products and Its Effects on Tobacco Producers in the Philippines”, umabot sa 41,180,676 kilo na nagkahahalaga ng US$224,586,095 ang smuggling ng tabako mula 2018 hanggang 2022.
Sa pag-aaral naman ng University of Asia and the Pacific, ang smuggling ng tabako mula 2018 hanggang 2022 ay nagpabagsak ng Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas ng P378.9 bilyon, at domestic output na aabot sa P592.1 bilyon.
Nawalan din ng kita ang mga magsasaka nang lumiit sa 289,000 ektarya ang pagtataniman na dati ay 632,000 ektarya, habang tumaas ang suplay sa merkado ng mga puslit ng walang binabayarang buwis.