MANILA, Philippines — Inulan ng batikos si Taguig 2nd District Rep. Pammy Zamora dahil sa hindi umano niya pagsunod sa protocol, at umano’y paninigaw sa mga kawani sa isang evacuation center sa Barangay Fort Bonifacio nitong Huwebes.
Sa isang viral video sa Facebook, makikita si Cong. Zamora na nagagalit sa mga empleyado na nasa Gat Andres Bonifacio High School dahil diumano ay hindi siya pinapapasok para makapagbigay ng tulong sa mga evacuees.
Ngunit ayon sa City Social Welfare and Development Office staff na si Faisal Gamao, maayos na pinapaliwanagan ang Congresswoman tungkol sa kailangang koordinasyon sa CSWD ngunit bigla na lang daw silang pinagsisigawan.
“Alam nyo naman po kahit noong Councilor pa kayo na kailangang centralized ang pagtanggap ng donasyon. Ito ay para matiyak na angkop ang mga donasyon, maibigay ito sa mas nangangailangan, at maging maayos ang distribution”.
Dagdag ni Gamao, “Napaka-stressful ng kondisyon [ng mga evacuees]. Hindi naman pwede na kahit anong oras na lang ipapatawag sila para makausap sila ng elected official. Pagod na sila. May mga nagpapasuso ng sanggol at nag-aalaga ng mga bata. May mga senior citizens at PWDs. Kaya may takdang oras ng pagbisita sa evacuation centers ang mga nais tumulong.
Sa isang pahayag, nilinaw ng Lungsod Taguig na kailangang sundin ang tamang proseso na itinakda ng lokal na pamahalaan sa pamimigay ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyo at habagat.
“All donations and assistance should be received by and coursed through the City Social Welfare and Development Office. All efforts should be coordinated to ensure efficient and orderly operations, and afford evacuees security and privacy,” paliwanag ng Taguig LGU.
Humingi ng paumanhin si Rep. Zamora at nagsabing “… My office just wanted to properly deliver government aid and services,” at ang ipamimigay ay DSWD relief packs na galing din naman sa gobyerno, bayad ng mga buwis na hindi tamang harangin ng dahil sa pulitika.