MANILA, Philippines — Naging maayos ang isinagawang rotation at reprovisioning (RORE) mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal kahapon.
Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA), ang resuppy mission ay isinagawa ng charted vessel na MV Lapu-Lapu na sinamahan ng Philippine Coast Guard BRP Cape Engaño bilang escort.
Ayon pa sa DFA, ito ang unang RORE mission na isinagawa sa ilalim ng kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at People’s Republic of China tungkol sa mga pamamaraan sa mission sa Ayungin Shoal para maiwasan ang hindi pagkakaintindihan at miscalculations na hindi isinasantabi ang pambansang posisyon.
Nauna nang sinabi ng Manila at Beijing na umabot sila sa isang “pansamantalang” kasunduan tungkol sa resupply trips sa BRP Sierra Madre matapos magkasundong magtulungan para pababain ang tensyon sa South China Sea, kabilang na ang West Philippine sea na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Matatandaan na ang mga nakaraang resupply mision ay naging tensyonado dahil sa mga mapanganib na maniobra at paggamit ng water cannons mula sa China Coast Guard at mga barko ng maritime militia ng China.