MANILA, Philippines — Pinaghahanda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang national at local governments sa mga susunod pang malalakas na pag-ulan na magdudulot ng mga pagbaha dahil sa epekto ng La Niña.
Ginawa ng Pangulo ang direktiba sa situation briefing sa Mauban, Quezon na isa sa pinaka grabeng naapektuhan ng bagyong Carina at Habagat sa lalawigan.
“Let’s prepare for the next flood. This is the first typhoon sa La Niña. Mahaba pa ‘to. So, we have to prepare for that. Let’s think about preparing for that,” ayon sa Pangulo.
Sa ulat ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjur Abalos kay Marcos, lumalabas na ang munisipalidad ng Agdangan sa Quezon ay matindi ring tinamaan ng magkakasunod na bagyong Aghon, Carina at habagat.
Tinatayang 986 pamilya o 4,324 indibidwal ang naapektuhan ng Carina at pansamantalang nanunuluyan sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan.
Naparalisa rin ng bagyo ang mga daungan sa Real, Infanta, Pollilio, Patnanungan, Jomalig at Bordeos.
Hiniling ng Pangulo na suriin ang mga mahahalagang pagbabago sa mga pattern ng pagbaha sa lalawigan dahil ang mga flood control projects aniya ay mga proyekto na tutugon sa mga pagbaha noon pa.
Kaagad namang nagtungo ang pangulo sa Cainta, Rizal para mamahagi ng ayuda sa mga residente doon na naapektuhan din ng bagyong Carina at habagat.