Sa pananalasa ni Carina, Habagat
MANILA, Philippines — Pinuri ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang disaster responders at mga miyembro ng media na itinaya ang sariling buhay upang magligtas ng kapwa at ipaalam sa publiko 24/7 ang sitwasyon habang sinasalanta ng tubig-baha ang Metro Manila at mga kalapit na lalawigan sa kasagsagan ng supertyphoon Carina at malakas Habagat.
Sinabi ni Tolentino na sa kabila ng mga panganib, ang mga first responder, rescue volunteers, at mga miyembro ng media ay hindi nag-atubili na pumunta sa mga lugar na lubog sa baha upang tumulong sa ating mga kababayang na-trap sa baha at magbahagi ng napapanahong impormasyon sa publiko.
“Kami ay lubos na nagpapasalamat sa inyong pagsusumikap, dedikasyon, at sakripisyo,” ayon sa senador.
Napansin ng senador na ang mga round-the-clock na ulat mula sa media ay nagbigay sa mamamayan at pampublikong opisyal ng impormasyon kung aling mga kalsada ang hindi na madaanan, at kung aling mga komunidad ang nangangailangan ng agarang tulong at rescue dahil sa matinding pagbaha.
Sinamantala rin ni Tolentino ang pagkakataong magpasalamat sa mga first responder, kinabibilangan ng mga unipormadong tauhan mula sa PNP, AFP, Bureau of Fire Protection at Philippine Coast Guard. Kinilala rin niya ang mga executive ng local government unit (LGU) at kani-kanilang disaster rescue teams at volunteers at ang Metro Manila Development Authority (MMDA).