MANILA, Philippines — Pumalo na sa 21 katao ang naitalang nasawi sa pananalasa ng super bagyong Carina na pinalakas pa ng habagat.
Base sa pinagsamang ulat ng Regional Police at Office of Civil Defense (OCD) nitong Huwebes, apat ang namatay sa Central Luzon, 10 sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) at pito sa National Capital Region (NCR).
Kabilang dito ang isang Jarrel Pangan na nalunod sa Baliwag-Bustos River sa Brgy. Poblacion, Baliwag, Bulacan; isang nalunod sa Angat River at dalawa sa Angeles City.
Sa CALABARZON, tatlong lalaki ang nasawi sa pagkakakuryente sa gitna ng mataas na tubig baha sa mga bayan ng Cainta, Rodriguez at San Mateo. Ang mga ito ay sina Alvin Bulatao, 20, ng Cainta, isang hindi nakilalang lalaki ng Brgy Gitnang Bayan 1, San Mateo at construction worker na si Jay Mistal, 31, ng Brgy. Burgos , Rodriguez.
Nasa 15 katao naman ang nasugatan habang lima pa ang pinaghahanap.
Sa report naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Camp Aguinaldo, nasa 14 katao pa lang ang naitalang nasawi habang patuloy ang beripikasyon sa iba pa.
Naitala naman sa 245,000 pamilya o 1.1 milyong katao ang naapektuhan at 292 kabahayan ang napinsala sa mala-Ondoy na pagbaha sa Metro Manila at mga karatig lugar.
Ayon pa sa NDRRMC, umaabot naman sa 9.7 milyon ang halaga ng iniwang pinsala sa agrikultura ng kalamidad.
Samantala, 49 kalsada at 8 tulay ang hindi pa rin madaanan dahil sa mataas na tubig baha.
Naglaan na rin ang pamahalaan ng P3.8 bilyong ayuda at nakapamahagi na ng P776,000 halaga ng tulong sa mga naapektuhang pamilya.
Dahil sa matinding epekto ng mga pagbaha ay nasuspinde rin ang klase at pasok sa mga tanggapan ng gobyerno habang mahigit sa 100 domestic at international flights ang kinansela rin ang biyahe.
Nagsilbi namang kanlungan ng mga naistranded na pasahero ang mga shopping malls at simbahan.
Nagkumahog din ang rescue team ng PNP, AFP, BFP at MMDA sa mga na-trap sa malalim na baha sa Metro Manila.