MANILA, Philippines — Umapela si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa publiko na maging disipilinado at matuto sa pagtatapon ng basura dahil ito ang dahilan kung bakit nagbara ang mga pumping stations.
Inihayag ito ng Pangulo matapos na personal na makita ang sandamakmak na basura na bumara sa mga pumping station sa Valenzuela at Navotas City, kahapon ng umaga.
Sa kanyang pagbisita sa Valenzuela City, sinabi ni Marcos, malaking problema ang dulot ng basura sa mga malalakas na pag-ulan dahil nahaharangan nito ang mga pumping stations na dapat ay tuluy-tuloy ang daloy ng tubig at naiiwasan ang pagbaha.
Bagama’t hindi biro ang lakas ng bagyong Carina may maitutulong pa rin ang publiko upang mabawasan ang epektong dulot nito.
Ayon sa Pangulo, mayroong 81 pumping stations sa Navotas at sa Valenzuela ay 32, subalit hindi ito gumana sa kasagsagan ng bagyong Carina at Habagat na sinabayan pa ng high tide dahil sa mga nagbarang basura.
Nais din ng Pangulo na pag-aralan ang disenyo ng mga flood control kung angkop pa ito ngayon sa gitna ng malalakas na bagyo at ulan dulot na rin ng climate change.
Inihalimbawa ng Pangulo ang sitwasyon sa Valenzuela na bagamat pangkaraniwan ng problema ang pagbaha dahil catch basin ito, ay marami naman silang flood control subalit nasapawan pa rin ito sa dami ng tubig.
Nagtataka ang Pangulo kung bakit hindi naman kasing dami ng tubig ulan ng Ondoy noong 2009 ang bagyong Carina subalit mas malaki ngayon ang baha at maraming lugar ang binaha.
Mas marami na aniya tayong flood control ngayon kaysa noon, subalit dahil na rin sa epekto ng climate change kaya hindi na rin kinakaya.
Isa rin sa nakikita ng Pangulo ay ang pagkasira ng navigation gate na nawasak matapos na banggain ng isang barko na hindi sumunod sa instruction, kaya hanggang ngayon aniya ay 80% pa rin ng Navotas ang lubog sa baha.