MANILA, Philippines — Nagdeklara na kahapon ang Department of Health (DOH) ng Code White alert sa buong bansa dahil sa mga pag-ulan at pagbaha na dulot ng bagyong Carina at habagat, gayundin sa inaasahang pagtaas ng mga kaso ng leptospirosis sa bansa.
Samantala, pinaalalahanan rin ng DOH ang publiko sa public health risk ng Leptospirosis dahil sa mga pagbaha.
Warning ng DOH, ang mga mamamayan, may sugat man sila o wala, ay maaaring makakuha ng leptospirosis sa pamamagitan nang paglusong sa mga tubig-baha o paghawak ng lupa, putik, o maruruming bagay, na maaaring kontaminado ng ihi ng daga o iba pang hayop.
Hanggang noong Hulyo 13, umaabot na rin sa 133 ang pasyente na naitala nilang nasawi dahil sa leptospirosis.
Ang leptospirosis ay isang bacterial infection na naisasalin sa tao ng mga hayop, gaya ng daga, at iba pa, sa pamamagitan ng kanilang ihi at dumi na humahalo sa tubig, lupa at maging sa vegetation.
Maaari umanong makapasok sa katawan ng tao ang leptospira bacteria sa mga sugat sa balat, o di kaya ay sa mata, ilong at bibig.
Kabilang sa mga sintomas na maaaring lumitaw, isang buwan matapos ma-exposed sa sakit, ay lagnat, pagsusuka, pagduduwal, pananakit ng ulo at kalamnan.
Kung hindi agad malulunasan, maaaring magdulot ng kidney damage sa tao, meningitis o pamamaga ng membrane sa paligid ng utak at spinal cord, liver failure, hirap sa paghinga at maging kamatayan.