MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ni Vice President Sara Duterte ang ginawang pagtatanggal ng Philippine National Police (PNP) sa kanyang mga security personnel.
Sa isang pahayag kagabi, sinabi ni Duterte na lahat ng 75 personnel ng PNP Police and Security Group na nakatalaga para magbantay sa kanya at tumitiyak ng kanyang kaligtasan ay tinanggal na simula pa kamakalawa, Hulyo 22.
Mismong si PNP chief PGen. Rommel Francisco Marbil aniya ang naglabas ng kautusan hinggil dito.
“I confirm that on 22 July 2024, an Order was issued by the Chief of the Philippine National Police (PNP) relieving all of the 75 PNP Police and Security Group personnel that were previously assigned for my protection,” ani VP Sara.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Sara sa publiko na hindi maaapektuhan ng naturang kautusan ang kanyang trabaho bilang bise presidente.
Aniya, tuluy-tuloy pa rin siyang magsisilbi upang makapaghatid ng serbisyo sa mga mamamayan.
“I want to assure the public that this Order will not affect my work in the Office of the Vice President,” aniya pa. “Tuluy-tuloy pa rin ang ating trabaho upang makapaghatid tayo ng serbisyo sa ating mga kababayan — lalong-lalo na sa mga liblib o underserved communities sa ating bansa.”