MANILA, Philippines — Tiniyak ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma kahapon na tutulungan nila ang lahat ng manggagawa na maaapektuhan ng pagsasara ng operasyon ng lahat ng Philippine offshore gaming operators (POGO) sa bansa.
Ayon kay Laguesma, aalukin nila ng mga trabaho at livelihood programs ang mga POGO workers na maaapektuhan ng ban.
Maaari na aniyang makipag-ugnayan sa kanila ang mga naturang POGO workers, simula ngayong linggong ito.
Bukod ito sa mga intervention na ginagawa ng DOLE, na may kinalaman sa upskilling, retraining, livelihood program, at pagdaraos ng ispesikong jobs fair para sa local at overseas employment.
Nagsasagawa na rin ang DOLE ng profiling sa mga apektadong POGO workers upang matukoy ang mga trabaho na bagay sa kanila.
Kinumpirma rin ni Laguesma na sa 79 na internet gaming licenses, nasa 28 POGO firms na sa National Capital Region (NCR) ang nagbigay ng listahan ng kanilang mga manggagawa.
Karaniwan aniya sa mga trabahong hinawakan ng mga naturang manggagawa ay may kinalaman sa encoding, information technology, administrative, finance, at iba pa.
Ilan sa trabahong target nilang ibigay sa mga POGO workers ay nasa industriya ng business process outsourcing (BPO).
Matatandaang sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, ipinag-utos ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang pagba-ban sa lahat ng operasyon ng POGO sa bansa bunsod na rin ng pagkakasangkot ng mga ito sa scamming, money laundering, prostitusyon, human trafficking, kidnapping, torture, murder at iba pa.