Kadiwa stores gagawin nang permanente
MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing permanente ang lahat ng Kadiwa stores sa bansa
Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong Lunes, iginiit ng Pangulo na ang mga Kadiwa store ay nagsisilbing kapaki-pakinabang at kaagapay ng taumbayan sa panahon na mataas ang presyo ng pagkain.
Kaya dahil epektibo aniya ito, magpapatuloy ang mga Kadiwa stores.
Ang Kadiwa Stores ay isang programang inilunsad noong kapanahunan ng yumaong Pangulong Ferdinand R. Marcos Sr. upang masiguro ang availability at affordability ng pagkain sa mga lugar na may mataas na demand at sa mga komunidad ng mga low-income families.
Sa post-SONA briefing noong Martes, sinabi ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel na plano nilang gawing “Brick-and-Mortar stores” ang Kadiwa sa buong Pilipinas.
Nais din nilang makamit ang “1,500 sites sa loob ng tatlong taon” upang matugunan ang halos bawat munisipalidad at lungsod sa bansa.
Layunin din ng programa na mapabuti ang farm-to-market supply chain sa pamamagitan ng pagpapalakas ng koneksyon sa pagitan ng mga lokal na producer at mga mamimili.
Sa SONA, iniulat din ni Pangulong Marcos na 1,200 kilometro ng mga farm-to-market roads ay malapit nang matapos ngayong taon.
- Latest