Lalaki sa ‘polvoron video’ hindi si Pangulong Marcos — NBI

Ang paniniyak ay ginawa matapos ang forensic exa­mination at joint investigation ng NBI, Philippine National Police (PNP), Department of Interior and Local Govern­ment (DILG) at Department of Justice (DOJ) para malaman ang katotohanan sa video.
Benhur Abalos/Facebook page

MANILA, Philippines — Tiniyak ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lalaki na nasa viral na “polvoron video”.

Ang paniniyak ay ginawa matapos ang forensic exa­mination at joint investigation ng NBI, Philippine National Police (PNP), Department of Interior and Local Govern­ment (DILG) at Department of Justice (DOJ) para malaman ang katotohanan sa video.

Sa isinagawang press conference, sinabi ni Dr. Reuel Cruz ng NBI Medi­co-Legal division, lumabas sa spectral analysis na magkakaiba ang tenga ng lalaking nasa video at ang larawan mismo ng Pangulong Marcos. Aniya, ang mga tenga ng bawat indibiduwal ay magkakaiba.

“So this features of the pinna of the ear is what we observe no, for photograph, taken photograph images of a person… so we can see that this is unique to the president and this is unique to this man over this side,” ani Cruz.

Sinuportahan naman ni PNP-Anti-Cybercrime Group director Brigadier General Ronnie Cariaga ang resulta ng NBI sa pagsasabing may discrepancies sa ilang larawan kabilang na ang hugis ng mata, ilong at mga sideburns.

Ayon naman kay NBI Director Jaime Santiago, kagagawan ito ng mga “disgruntled individuals” na minamaliit ang kakayahan ng mga Pilipino. Ani Santiago, matutukoy nila ang mga nasa likod ng video at may mga indibidwal din mula sa Maisug ang kanilang iimbitahan para imbestigasyon 

Matatandaan ipinakalat sa Maisug Rally sa Los Angeles, USA ang naturang video kasabay ng ikatlong State of the Nation Address ni Marcos nitong Lunes, Hulyo 22.

Show comments