MANILA, Philippines — Sa pamamagitan ng isang sulat ay nag-sorry kay Senate President Francis “Chiz” Escudero ang nagtatago at suspendidong mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.
Nilinaw ni Guo na wala siyang intensiyon na diktahan ang Senado sa naging pahayag niya na ibaling sa mahahalagang isyu ang pansin ng Senado at huwag sa kanya.
“Nais ko pong humingi ng paumanhin kung nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan kaugnay nga aking mga naging pahayag. Wala po akong intensyon na pagsabihan o diktahan ang Senado kung ano ang mga dapat bigyang prayoridad,” ani Guo sa sulat kay Escudero na may petsang Hulyo 22.
Sinabi rin ni Guo na nauunawaan niya na ang bawat mambabatas ay may sariling tungkulin at responsibilidad sa bayan.
“Ang aking layunin lamang po ay magbigay ng suhestyon base sa mga problemang nararanasan ng aking mga kababayan sa Bamban,” ani Guo.
Hindi binanggit ni Guo sa sulat kung sisipot na siya sa pagdinig ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros.
Sinabi naman ni Escudero na kailangan muna ni Guo na magpakita sa Senado bago niya sabihan ang mga senador na pagtuunan ng pansin ang iba’t ibang isyu ng bansa kaysa sa kanya.
Ayon pa kay Escudero, wala sa posisyon si Guo para sabihan ang mga senador kung ano ang kanilang dapat maging prayoridad.