MANILA, Philippines — Sa pangunguna ng Senior Citizens Party-list, naging batas na ang Expanded Centenarian Act o Republic Act 11982 at kabilang na ito sa inaasahang mapopondohan sa 2025 General Appropriations Act.
Isinulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ni Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes ang panukalang magbibigay ng mga karagdagang benepisyo sa mga Filipino na may edad 80 hanggang 99.
Kabilang sa mga benepisyo ang P10,000 sa mga aabot sa edad 80, 85, 90 at 95. Ang aabot naman sa edad 100 ay tatanggap ng P100,000.
Naging ganap itong batas noong nakaraang Pebrero 26 matapos pirmahan ni Pangulong Marcos Jr.
“Ito ay munting pagkilala lamang sa ating mga mahal na senior citizens at pagmamalasakit sa kanila. Tulong na rin ito sa pangtustos sa kanilang mga pangangailangan gaya ng pagkain at gamot,” ani Ordanes.
Inaasahan ni Ordanes na isa ito sa mga bagong batas na mabanggit ni Marcos sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ngayon araw.