Batas sa government procurement, financial cybercrimes pinirmahan ni Pangulong Marcos
MANILA, Philippines — Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga panukalang batas na magbibigay ng transparency sa procurement process ng gobyerno gayundin ang batas na pagbibigay proteksyon sa publiko mula sa financial cybercrimes.
Layon ng Republic Act (RA) 12009 o ang New Government Procurement Act (NGPA) na magkaroon pa ng mas higit na transparency, competitiveness, efficiency, professionalism, accountability at sustainability sa proseso ng procurement ng gobyerno.
Nakasaad din sa ilalim ng NGPA na tugunan ang mga butas sa kasalukuyang sistema ng procurement sa pamamagitan ng pag-aalis sa mga illegal practices na nagiging dahilan ng korapsyon.
Nilagdaan din ng Pangulo ang RA 12010 o ang Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) na naglalayong protektahan ang publiko mula sa cybercriminals at criminal syndicates.
Papatawan ng mas mabigat na parusa ang financial cybercrimes base na rin sa isinasaad sa Revised Penal Code tulad ng online selling at investment scams, phishing at iba pa.
Binibigyan naman ng kapangyarihan ng AFASA ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magsagawa ng imbestigasyon sa mga kasong may paglabag sa cybercrime.
Ginawa ang ceremonial signing sa Palasyo ng Malakanyang kahapon ng umaga.
Kabilang ang dalawang naging batas sa priority bills na isinulong ni Pangulong Marcos sa Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).
- Latest