MANILA, Philippines — Lumagda sa isang memorandum of agreement ang National Housing Authority (NHA) at Manila Electric Company (Meralco) para madaluyan ng suplay ng kuryente ang mga Pabahay ng ahensiya.
Ang kasunduan ay pinirmahan nina NHA General Manager Joeben A. Tai, Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino “Jerry” L. Acuzar, Social Housing Finance Corporation (SHFC) President and Chief Excecutive Officer (CEO) Frederico A. Laxa at Meralco Executive Vice President and CEO Engr. Ronnie L. Aperocho.
Layunin ng kasunduan na pagandahin ang kalidad ng pamumuhay ng mga benepisyaryo ng Pabahay ng NHA sa usaping enerhiya at kuryente.
Sa ilalim ng kasunduan, ang NHA at Meralco ay magtutulungan na suportahan ang mga benepisyaryo sa pangangailangan sa kuryente.
Kasama sa mga pangunahing hangarin ng MOU ang mabilis na pagkakaloob ng kuryente sa iba’t ibang proyekto ng NHA sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan. Ito ay upang masiguro na hindi lamang de-kalidad, ligtas at komportableng pabahay ang matatamasa ng mga benepisyaryo kundi maunlad at progresibong komunidad na may mga pangunahing pangangailangan gaya ng kuryente.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni NHA GM Tai ang kahalagahan ng ugnayan ng NHA at Meralco upang magbigay ng tulong sa mga benepisyaryo ng pabahay.