Angara, pormal nang umupo bilang DepEd sec.
MANILA, Philippines — Pormal nang umupo kahapon si Sen. Sonny Angara bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).
Ito’y matapos na opisyal nang ipasa ni Vice President at outgoing DepEd Secretary kay Angara ang posisyon sa isang simpleng turnover ceremony sa DepEd main office sa Pasig City kahapon.
Sa naturang aktibidad, iniabot ni Duterte kay Angara ang seal at watawat, na simbolo nang pagpapasa ng liderato at pangangasiwa sa ahensiya.
Binigyan pa ni Duterte si Angara ng tour sa loob ng DepEd office.
Binigyang-diin ni Duterte, sa kanyang huling talumpati bilang DepEd chief, ang mga programa at proyekto na ipinatupad sa kanyang dalawang taong panunungkulan bilang DepEd chief.
Kabilang sa mga programa at proyektong binanggit niya ay ang agenda ng Matatag, K to 10 Matatag Curriculum, pagrepaso sa kurikulum ng Senior High School, paglulunsad ng National Learning Recovery Plan, at ang pagbabalik ng face-to-face class sa humigit-kumulang 27 milyong mag-aaral.
Sa kanya namang unang talumpati bilang Education Secretary, sinabi ni Angara na sisiguraduhin niyang pag-iibayuhin ang mga programa na magsusulong sa mataas na kalidad ng karunungan para sa mga mag-aaral.
“Napakalaking karangalan po ang ipinagkaloob sa atin ni Pangulong Bong Bong Marcos upang maglingkod bilang Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon,” sabi ni Angara na pormal na ring nagbitiw kahapon bilang senador.
Matatandaang Hunyo 19 nang magbitiw sa puwesto si Duterte na epektibo ngayong Hulyo 19.
Hulyo 2 naman nang italaga ni Pang. Bongbong Marcos si Angara bilang bagong DepEd secretary.
- Latest