MANILA, Philippines — Tataas pa sa kasalukuyang presyo nito ang halaga ng bawat piraso ng itlog sa mga pamilihan.
Ito ang tinaya ni Agriculture Asst Secretary at Spokesman Arnel de Mesa dulot nang nalalapit na pagbubukas a pasok sa mga paaralan sa Hulyo 29.
Anya, tuwing panahon ng pasukan ay malakas ang demand sa itlog gaya ng panahon ng “ber months“ na malakas ang demand ng naturang produkto.
Batay sa DA-Bantay Presyo, naglalaro sa P5.50 hanggang P9 ang halaga ng medium size na itlog sa mga pamilihan at palengke sa Metro Manila at maaaring tumaas pa ito sa pagsisimula sa pasukan.
“Pagdating ng ‘ber’ months (September to December), normally nagti-trigger na ng panahon ng paglakas ng demand sa itlog at gaya ng nabanggit ko before, kapag ‘ber’ months at panahon ng pasukan,” sabi ni de Mesa.
Binigyang diin naman ni Francis Uyehara, pangulo ng Philippine Egg Board Association na nagsimula nang tumaas ang presyo ng itlog sa ibang lugar sa bansa.
Nitong Hulyo, ang farm gate price ng medium egg ay nasa P6.46 bawat piraso, mas mataas ito sa P6.07 kada piraso noong Hunyo.