Pekeng birth certs, passports ng Chinese sisiyasatin ng Kamara

Noong Nobyembre 17, 2023 ay lumitaw sa deliberasyon ng Senado na nasa 308 Chinese ang nakakuha ng pinekeng birth certificates na ginamit ng mga ito sa paga-apply ng passport. Samantala noong Hulyo 10, 2024 ay nasakote naman ang isang Chinese dahil sa paggamit ng pekeng dokumento sa pag-aaplay ng Philippine passport.
Philstar.com / Irra Lising

MANILA, Philippines — Iimbestigahan ng Kamara ang talamak na pag-iisyu ng pekeng birth certificates at passports sa mga dayuhan lalo na sa Chinese national na nagpapanggap na mga Pilipino.

Naghain si Lanao del Sur 1st District Rep. Ziaur-Rahman Alonto Adiong ng House Resolution 1802 na nag-aatas sa Committees on Local Government at Justice na siyasatin ‘in aid of legislation’ ang nakakaalarmang paglaganap ng mga pinalsipikang birth certificate at passports na inisyu sa mga dayuha, mayorya rito ay mga Chinese.

Ang resolusyon ay inihain ni Adiong sa gitna na ring ng isinasagawang pagdinig na nabuking ang pamimili ng lupa ng mga Chinese national gamit ang mga pinekeng birth certificate at passport kung saan nagpapanggap ang mga itong mga Pilipino.

“These documents were obtained through false statements and issued by local civil ­registrars.

The urgency of this resolution is underscored by several specific instances of fraud,” saad ng solon.

Noong Nobyembre 17, 2023 ay lumitaw sa deliberasyon ng Senado na nasa 308 Chinese ang nakakuha ng pinekeng birth certificates na ginamit ng mga ito sa paga-apply ng passport. Samantala noong Hulyo 10, 2024 ay nasakote naman ang isang Chinese dahil sa paggamit ng pekeng dokumento sa pag-aaplay ng Philippine passport.

Hulyo 11, 2024, ay iniulat naman ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mahigit 200 pekeng birth cerficates na inisyu sa mga dayuhan, mayorya rito ay mga Chinese national sa Sta Cruz, Davao del Sur.

Binigyang diin ng solon ang kahalagahan ng imbestigasyon ng Kamara para mapanatili ang integridad ng identification system upang matiyak ang pambansang seguridad.

Show comments