MANILA, Philippines — Nilinaw ni Vice President Sara Duterte na hindi siya nagbibiro nang magkomento na itinatalaga niya ang kanyang sarili bilang ‘designated survivor’ matapos na kumpirmahin na hindi siya dadalo sa State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa Lunes, Hulyo 22.
Sa idinaos na National Brigada Eskwela Kick-off Program kahapon sa Carmen National High School, sa Schools Division of Office (SDO) ng Cebu Province VII, sinabi ni Duterte na ito ang unang pagkakataon na nakakita siya na tuwina’y inaalam ng mga tao kung dadalo ang isang bise presidente sa mga aktibidad ng pamahalaan.
Giit naman niya, hindi biro at lalong hindi rin isang bomb threat ang kanyang naging pahayag.
Ipinaliwanag ni Duterte na marami ang hindi nakakuha ng kanyang punto nang gawin ang kanyang komento ngunit tumanggi na rin siyang magpaliwanag pa.
“It is not a joke. It is not a bomb threat. Many missed the point. For me, if you don’t understand the first time, I don’t think you deserve an explanation,” pahayag pa niya, sa wikang Bisaya.
Pinangunahan ni Duterte ang National Brigada Eskwela Kick-off Program kahapon.
Ang Brigada Eskwela ay ang taunang school maintenance program ng DepEd upang ihanda ang mga paaralan sa pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral.
Nakatakda namang magbukas ang klase sa Hulyo 29 habang patuloy na umaarangkada ang enrollment na magtatagal hanggang Hulyo 26.