MANILA, Philippines — Naniniwala si Sen. Risa Hontiveros na may ugnayan ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Pharmally.
Sa huling pagdinig ng Senado, napa “oh my, God” si Hontiveros matapos na lumabas na kung sinu-sino ang key players na nasa likod ng kontrobersyal na umano’y POGO ni Guo at konektado ang mga sangkot sa multi-bilyong korapsyon ng Pharmally.
Nadiskubre rin na pare-pareho aniya ang ilan sa mga incorporators, stockholders at opisyal ng Brickhartz na POGO sub-licensee ng Xionwee Technologies na pagmamay-ari naman ni Michael Ang.
Ayon pa kay Hontiveros, nang mairehistro ang Xionwei Technologies sa Securities and Exchange Commission (SEC0 noong Agosto 2016, lumalabas na si Rose Lin ang presidente na asawa naman ni Lin Weixiong alyas Allan Lim na pinaghihinalaan naman na kadikit ni Yang sa mga transaksyon pagdating umano sa pag-aangkat ng shabu sa bansa.
Katulad ni Gerald Cruz at Huang Tzu Yen, tumatayo rin umano bilang opisyal at stockholder ng Pharmally Biological si Rose Lin na pare-parehong sangkot din ang mga ito sa Full Win Corporation kung saan treasurer si Lin at corporate secretary naman si Cruz noong mairehistro sa SEC taong 2017.
“Pero mukhang Pharmally group ito, same cast of characters. Kaya mahalagang we get to the root of it, dahil mukhang itong grupong ito, itong Pharmally group, ay posibleng nandun nga sa roots ng problema natin sa Pogo,” ayon kay Hontiveros.
Sinabi pa ng senadora na may inilabas ng findings ang Anti-Money Laundering Council o AMLC na may diretsong financial deal ang kapatid ni Michael Yang na si Hongjiang Yang kay Mayor Guo mula pa noong 2021.
Matatandaan na pinatungan din ng three counts of graft ng Ombudsman ang asawa ni Rose Lin na si Lin Weixiong dahil sa pagtatalaga sa kanya ni Yang bilang financial manager ng Pharmally.