MANILA, Philippines — Nakahanda na ang detention facility ng Senado para sa suspendidong mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo at mga miyembro ng kanyang pamilya sakaling maaresto na ang mga ito.
Ipinakita sa media nitong Martes ni Lt. Gen. (ret.) Roberto Ancan ng Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA), ang facility na bagaman nasa loob ng compound ng Senado ay nakahiwalay naman sa Senate building.
Sakaling mangyari ang pag-aresto kay Guo at kanyang pamilya, ito ang unang pagkakataon na gagamitin ang kwarto mula noong na-refurbished ito noong 2023.
“Dito, I can assure her security 24/7, nagawa ko na ito dati; Ako ay isang kumander noon at tiniyak ko sa aking mga tao sa loob ng aking lugar ng pananagutan na sila ay ligtas,” sinabi ni Ancan.
Ang silid ay may apat na double bunk bed, naka-air condition, may lababo at banyo.
Ayon kay Ancan, si Guo at ang kanyang pamilya ay bibigyan ng kama at unan, ngunit kung mas gusto nilang magdala ng sarili nila, hindi ito magiging problema.
Ang mga pagkain ay sasagutin din ng Senado.
“Hindi ito kulungan. Isa itong detention. Kung kulungan ito, magkakaroon ng rehas,” diin ni Ancan.
Si Guo ay sinisiyasat para sa umano’y kaugnayan niya sa iligal na POGO firm na Zun Yuan Technology Inc. sa Bamban, Tarlac.
Bukod kay Guo, pinaaaresto rin ang mga miyembro ng kanyang pamilya na sina Sheila Guo, Wesley Leal Guo, Jian Zhong Guo, Seimen Guo at ang kanyang pinaghihinalaang ina na si Wen Yi Lin.