MANILA, Philippines — Hinatulang guilty ng Tagum Regional Trial Court sa Tagum City sina ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, dating Bayan Muna Party-list Rep. Satur Ocampo dahil sa kasong child abuse.
Batay sa 25-pahinang desisyon ng Tagum RTC Branch 2 na may petsang Hulyo 3, sinentensiyahang makulong ng 4-6 na taon sina Castro, Ocampo at 11 iba pa dahil sa paglabag sa Section 10(a) ng Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act).
Inatasan din ng korte ang 13 akusado na bayaran ng kabuuang P20,000 danyos na kinabibilangan ng P10,000 civil indemnity at P10,000 moral damages sa bawat isa sa 14 biktima na may interest rate na 6% kada taon mula sa pagtatapos ng desisyon.
Ang kaso ay nag-ugat sa insidente sa Talaingod, Davao del Norte noong 2018 kung saan ang grupo nina Castro at Ocampo ay ibiniyahe ang 14 menor-de-edad na mga Lumad o katutubong mga estudyante ng Salugpungan Ta Tanu Ingkanogan Community Learning Center, Inc.
“Records reveal that the prosecution has established proof beyond reasonable doubt that the accused…committed acts detrimental to the safety and well-being of the minor Lumad learners,” ayon sa desisyon ng korte.
Gayunman, inabswelto naman ng korte ang mga kapwa akusado na sina Pastor Edgar Ugal, Rev. Ryan Magpayo, Eller Ordeniza, at Rev. Jurie Jaime dahil sa kabiguan ng prosekusyon na patunayang sila’y “guilty beyond reasonable doubt.”
Sa magkasamang pahayag, tinawag nina Castro at Ocampo ang desisyon na hindi katanggap-tanggap at hindi makatarungan.
Pinanindigan din ng Bayan Muna na ang insidente ay isa umanong ‘rescue mission’ dahil sa umano’y umiiral na militarisasyon sa eskuwelahan at umano’y ‘aerial bombings”.
Inihayag ng mga ito na iaapela nila ang kaso sukdulang umabot pa sa Korte Suprema dahil hindi umano sila mga kidnappers at nais lamang tulungan ang mga menor-de-edad.