MANILA, Philippines — Tutupad sa mga pangangailangan at hangarin ng mga Filipino ang 2025 national budget.
Ito ang sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman matapos na iprisinta at aprubahan kamakailan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang panukalang P6.352 Trilyon pambansang badyet para sa 2025.
Sinabi ng kalihim na ang 2025 national budget ay naglalayong ipagpatuloy ang economic at social transformation para sa isang maunlad, inklusibo, at matatag na kinabukasan sa ilalim ng bisyon ng Pangulo para sa isang Bagong Pilipinas.
Nagpasalamat naman siya sa mga miyembro ng gabinete sa pakikipagtulungan sa DBM para madevelop ang budget proposals na tututok sa naturang mga prayoridad na nakaangkla pa rin sa socioeconomic agenda ng Pangulo.
Sa kanyang presentasyon, binanggit din ng Kalihim ang ikinonsidera ang ilang mahahalagang salik para sa pag-evaluate ng FY 2025 budget, kabilang ang pagkakaroon ng fiscal space; kahandaan sa pagpapatupad ng mga programa, aktibidad, at proyekto; absorptive capacity ng mga ahensya; pagsunod sa Budget Priorities Framework at PDP 2023-2028; Public Investment Program/Three-Year Infrastructure Program; Information Systems Strategic Plan; and Program Convergence.
Ang panukalang pambansang budget para sa darating na taon ay 10.1 percent na mas mataas kaysa 2024 General Appropriations Act (GAA) na nagkakahalagang P5.768 trilyon.
Bilang pagsunod sa mandato ng konstitusyon, patuloy na makakakuha ng pinakamalaking porsyento sa pambansang badyet ang sektor ng Edukasyon.
Ang sektor ng Kalusugan ay makakatanggap din ng pagtaas ng badyet upang mapalakas ang operasyon ng mga ospital ng Department of Health (DOH) sa Metro Manila, mga regional hospital ng DOH, at iba pang health facilities.
Umaasa si Sec. Pangandaman, bilang chair ng Development Budget Coordination Committee, na maipagpatuloy ang patuloy na paglago ng ekonomiya ng Pilipinas upang maabot ang economic target ng PBBM administration at makamit ang inaasam na upper middle-income status at single-digit na antas ng kahirapan pagsapit ng 2028.