MANILA, Philippines — Nadakip ng mga awtoridad sa bisa ng warrant of arrest ang isa sa kapwa akusado ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy sa kasong Qualified Human Trafficking at Child Sexual Abuse kamakalawa ng hapon sa Davao City.
Kahapon ay iprinisinta ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos si Paulene Canada na naaresto sa kanyang bahay sa Buhangin District, Davao dakong ala-1 ng hapon.
Si Canada ay sinasabing ika-6 Most Wanted Person sa Davao Region at may patong na ?1 million na pabuya para sa kaniyang ikaaaresto.
Ani Abalos, nakatulong ang P1 milyong pabuya sa pagkakaaresto ni Canada.
Lumilitaw na isang tip ang natanggap ng pulisya na nakita ang isang babaeng kamukha ng poster ni Canada na inilabas ng mga awtoridad kamakailan.
Ayon kay Abalos, ang naturang tip ng anonymous caller ang nakatulong upang matunton at mahuli si Canada sa isang bahay halos dalawang kilometro ang layo mula sa regional police headquarters.
Bukod kay Canada, kapwa-akusado rin sina Cresente Canada, Ingrid Canada, Sylvia Cemañes, at Jackielyn Roy.
Hanggang ngayon ay pinaghahanap ng mga awtoridad, pati na rin ng Federal Bureau of Investigation (FBI) si Quiboloy.
Tiniyak naman ng kalihim na magiging patas ang hustisya at mas makabubuti kung susuko nalang si Quiboloy at ang iba pang kapwa-akusado nito.