MANILA, Philippines — Dagsa na ang mga tawag na natatanggap ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa kinaroroonan at pinagtataguan ni Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy.
Ito ang sinabi ni PNP spokesperson Police Col. Jean Fajardo matapos na ianunsiyo ang P10 milyong reward para sa ikadarakip ni Quiboloy.
Base aniya sa kanyang pakikipag-ugnayan kay Police Regional Office (PRO) 11 director PBGen. Nicolas Torre III, marami nang tumatawag sa hotlines ng PNP at nagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Quiboloy.
Nirerecord na naman aniya ang lahat ng impormasyon subalit kailangan pa ring dumaan sa beripikasyon. Iniiwasan aniya ng PNP na mawala sa focus ang imbestigasyon.
“Hindi naman natin tatanggapin kaagad-agad po ito baka meron po doon ay nililigaw ‘yung ating focus kung saan po ‘yung sa tingin natin ay maaaring matagpuan itong mga wanted persons po na ating hinahanap,” ani Fajardo.
Matatandaan na nitong Lunes nang ihayag ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na nasa P10 milyon na ang pabuya sa makabibigay ng impormasyon para sa pagkaaresto kay Quiboloy.
Nasa tig-P1 milyon naman ang alok na pabuya sa lima pang akusado.
Naglabas ng warrants of arrest ang korte laban kay Quiboloy at limang iba pa bunsod ng kasong paglabag sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act and Republic Act No. 9208 or Qualified Human Trafficking.