Ex-Duterte adviser Michael Yang ipinaaresto ng Kamara

MANILA, Philippines — Ipinaaresto na ng House Committee on Dangerous Drugs nitong Miyerkules ang negosyanteng si Michael Yang matapos itong isyuhan ng contempt dahil sa kabiguang dumalo sa pagdinig ng panel kaugnay ng umano’y kinalaman nito sa P3.6 bilyong drug bust sa Mexico, Pampanga noong nakalipas na taon.

Si Yang ay adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na iniuugnay sa incorporator ng Empire 999 Realty Corp. na siyang may-ari ng sinalakay na bodega sa bayan ng Mexico na nakumpiskahan ng P3.6 bilyong shabu.

Ang komite sa pamumuno ni Surigao del Norte 2ndDistrict Rep. Robert Ace Barbers ay pinatawan din ng 30 araw na detention o pagkakakulong sa Bicutan Jail sa Taguig City si Yang na ang huling nairekord na pagbiyahe mula sa Manila patungong Dubai ay noong Mayo 12, 2024.

Sinabi ni Barbers na inisyuhan ng kaniyang panel ng contempt si Yang dahil sa patuloy na hindi nito pagsipot sa imbitasyon ng kaniyang komite at maging sa subpoena na inisyu noong Hunyo 24.

Inatasan ni Barbers ang Committee Secretary na makipagkoordnasyon sa PNP, House Sergeant-at-Arms, National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang law enforcement agencies na arestuhin si Yang.

Inihayag ni Barbers na krusyal ang testimony ni Yang para mabatid ang complex web ng illegal drug smuggling na aktibidades na iniuugnay sa Empire 999.

Show comments