MANILA, Philippines — Nakahanda si Senate President Francis “Chiz” Escudero na lagdaan ang arrest warrant laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ayon kay Escudero, pipirmahan niya ang arrest warrant sakaling hilingin ni Sen. Risa Hontiveros, chair ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
Ang komite ni Hontiveros ang nag-iimbestiga sa umano’y ilegal na aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na muling magpapatuloy ang hearing ngayong Miyerkules, Hulyo 10, 2024.
Si Guo, isang pangunahing resource person ay nabigong dumalo sa huling pagdinig at nagsabi na rin ang kanyang abogado na hindi darating ang alkalde sa hearing ngayon dahil sa trauma at stress.
“Kapag naglabas ng subpoena ng korte, Senado o Kongreso, obligado ang isang testigo na sundin at sundin ito. Kung tumanggi silang dumalo, nasa kamay ni Sen. Risa Hontiveros na humiling ng warrant of arrest para mapilitan silang dumalo sa pagdinig ng Senado. Pipirmahan ko ang warrant of arrest kung hihilingin ito ni Sen. Hontiveros,” sabi ni Escudero noong Martes.
Sinabi rin ni Escudero na ang isang testigo ay kailangang magpakita ng medical certificate na nagbibigay ng sapat na dahilan para hindi dumalo sa isang pagdinig.
Handa aniya ang Senado na magbigay ng doktor para masuri ang mental o pisikal na kalagayan ng isang testigo kung walang pribadong manggagamot.
“Ang subpoena ay para pilitin siyang dumalo sa pagdinig. What will happen is that as soon as she are arrested, a hearing will be scheduled and while the hearing is being scheduled, she will be under detention first,” paliwanag ni Escudero.