General, piskal ‘source’ ng leak sa POGO raid - PAOCC

May ilang source ang nagbunyag na isang “general” at isang “piskal” ang pinagdududahan ng ilang grupo ng mga operatiba kaya ‘nasunog’ umano ang kanilang pagsalakay.
Philstar.com / Irish Lising

MANILA, Philippines —  Ibinunyag ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na may lead na sila kung sino ang sources ng diumano’y “leakage” ng kanilang planong pagsalakay sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga.

“Meron na kaming mga leads na nakuha nitong nakaraang tatlong araw,” ani PAOCC spokesperson Winston Casio.

May ilang source ang nagbunyag na isang “general” at isang “piskal” ang pinagdududahan ng ilang grupo ng mga operatiba kaya ‘nasunog’ umano ang kanilang pagsalakay.

Nakatakda na ring makipag-ugnayan ang PAOCC ngayong araw (Hulyo 8) sa iba pang ahensya na sangkot sa POGO raid upang ipabatid ang natuklasan nilang leads at ipaubaya na ang pag-iimbestiga.

Isa sa sinasabing leak ang pagsalakay sa POGO hub sa Porac kung saan 158 lamang ang na-rescue na dayuhang manggagawa mula sa higit 1,000 foreign nationals.

“We will give them the leads then we will allow the agencies to do the investigation,” ani Casio.

Kaugnay ng POGO raid, humihingi ang PAOCC ng mga kopya ng report hinggil sa natagpuang mga katawan ng foreign national sa iba’t-ibang bahagi ng Pampanga.

Sinabi ni Casio na may tatlong tawag na siyang natanggap mula sa mga embahada ng China, Malaysia at Vietnam.

“We would like to find out… as one of the embassies said how the Pampanga police were able to arrive at the conclusion that x number of bodies were actually Chinese nationals,” ani Casio.

Show comments